Malaking bahagi na ng mga lugar sa Mindanao na tinamaan ng Magnitude 7.8 na lindol ang muling nagkaroon ng suplay ng kuryente, ayon sa National Electrification Administration (NEA).
Batay sa pinakahuling ulat ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), dalawa na lamang na electric cooperatives sa tatlong lalawigan ang patuloy na mino-monitor dahil sa partial power interruption.
Kabilang dito ang Davao del Sur Electric Cooperative Incorporated (DASURECO) at South Cotabato II Electric Cooperative Incorporated (SOCOTECO II).
Kaugnay nito, nasa 96% na rin ng mga apektadong munisipalidad ang naibalik na ang suplay ng kuryente.
Patuloy naman ang restoration efforts para sa natitirang 36,037 consumer connections.
Sa ngayon, pinalalakas na ng NEA ang power restoration sa pamamagitan ng Task Force Kapatid kung saan 26 electric cooperatives mula sa Mindanao ang nagpadala ng 185 tauhan at 42 utility vehicles para tumulong sa pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad na sakop ng SOCOTECO II.