May budget ang Commission on Elections (COMELEC) para makapagsagawa ng special elections sa Cavite.
Tugon ito ng Palasyo kasunod ng ulat na humihiling ang poll body ng karagdagang pondo para sa ikakasang espesyal na halalan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, may ginawa na silang pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) ukol dito at ang sabi ng Budget Department ay mayroon namang pondo na maaaring magamit ang Komisyon.
Sapat aniya ang pondong kasalukuyang hawak ng COMELEC para tugunan ang pangangailangan sa idaraos na special elections.
Lumalabas na hindi na kinakailangan ang dagdag pang alokasyon para iukol sa COMELEC na manggagaling mula sa pamahalaan.
August 29, 2026 ang target na ikasa ang special elections para sa ikaapat na Distrito ng Cavite kasunod ng nabakanteng puwesto ni Kiko Barzaga na napatalsik sa Kamara dahil sa umano’y disorderly behavior at conduct unbecoming of a House member.