Ipinagdiwang ngayong araw sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City ang ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kung saan binigyang-pugay ang kabayanihan ng mga rebolusyonaryong Pilipino at ang mahalagang papel ng San Juan sa kasaysayan ng bansa.
Ganap na alas-7:00 ng umaga itinaas sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City ang watawat ng Pilipinas kasabay ng pag-awit ng Lupang Hinirang kasama ang iba’t ibang opisyal ng Lungsod kasama ang panauhing pandangal ngayong umaga si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Maria Theresa Lazaro.
Sa seremonya, sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na ang Pinaglabanan Shrine ay simbolo ng sakripisyo at katapangan ng mga Katipunero na lumaban sa Battle of Pinaglabanan noong 1896. Bagama’t natalo ang mga rebolusyonaryo sa nasabing labanan, nagsilbi naman itong mitsa ng mas malawak na himagsikan na humantong sa pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas noong June 12, 1898.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga makasaysayang pook at monumento bilang paalala na ang kalayaan ay bunga ng pakikibaka ng mga naunang henerasyon.
Samantala, sa kanyang talumpati, hinikayat ni Foreign Affairs Sec. Lazaro ang mga Pilipino na isabuhay ang diwa ng Pinaglabanan sa makabagong panahon sa pamamagitan ng pagtatanggol sa pambansang interes, soberanya, at kapakanan ng mamamayan. Aniya, ang tunay na katatagan ay hindi lamang pagtitiis sa pagsubok kundi ang matapang na paninindigan para sa kalayaan at dignidad ng bansa.
Nagtapos ang pagdiriwang sa panawagan sa mga Pilipino na pahalagahan ang kalayaang tinatamasa ngayon at ipagpatuloy ang diwa ng pagkakaisa, paglilingkod, at pagmamahal sa bayan na ipinamalas ng mga bayani ng himagsikan.

