Ibinahagi ng managing partner ng SALiGAL Law na si Atty. Amando Virgil Ligutan na isang karangalan na mapabilang sa private prosecutors sa nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Aniya, hindi na niya ikagugulat kung sila ay magiging target ng mga atake, backlash, fake news, paninira, at iba pang pagbatikos.
Isa lamang aniya itong maliit na bagay kumpara sa kahalagahan ng kanilang tungkulin.
Dagdag pa niya, ang posibilidad na maharap sa pambabatikos sa social media, o personal na pag-atake ay hindi kasinghalaga kumpara sa oportunidad na makilahok sa isang prosesong konstitusyonal na naglalayong panagutin ang isa sa pinakamataas na antas ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Ligutan na sumali siya sa pool of private prosecutors dahil labis siyang naantig sa kaso ng isang public school principal sa Virac, Catanduanes.
Ito ay tungkol sa isang school principal na ipinakulong ng 11 taon dahil umano ibinulsa ang ₱5,000.
Giit ni Ligutan dapat patas ang parusa kung mapatutunayang ginawa ng mataas na opisyal ng gobyerno ang paglabag.