Naging makabuluhan din ang selebrasyon ng ika-128 anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa dambana ni Gat Andres Bonifacio sa Monumento Circle sa lungsod ng Caloocan.
Nagsimula ang programa kaninang alas-7 ng umaga nang itaas na ang Watawat ng Pilipinas at awitin ang Lupang Hinirang.
Pinangunahan din ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at Caloocan Mayor Along Malapitan ang wreath laying o pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ni Gat Andres Bonifacio na sinundan ng gun salute.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Secretary Gatchalian na ang kalayaan ay hindi natatapos sa isang araw ng pagdiriwang kundi isang patuloy na pakikibaka laban sa kahirapan, kawalan ng oportunidad, at iba pang hamon na kinakaharap ng lipunan.
Ayon sa kalihim, araw-araw na nasasaksihan ng DSWD ang tunay na kahulugan ng kalayaan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga pamilyang makaahon sa kahirapan, magkaroon ng sapat na pagkain, at mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Binanggit din niya ang mga programang ipinatutupad ng pamahalaan gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at Walang Gutom Program na nagbibigay ng pag-asa sa milyon-milyong Pilipino.
Samantala, sinabi naman ni Mayor Along Malapitan na ang tunay na diwa ng kalayaan ay hindi lamang nasusukat sa pagwagayway ng watawat kundi sa araw-araw na pagkilos, tapat na paglilingkod, pagiging responsable, at pagkakaroon ng malasakit sa kapwa.