Na kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pagpapasya kung palalawigin pa ng pamahalaan ang umiiral na price cap sa bigas.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, matapos ihayag ng Department of Agriculture (DA) na magrerekomenda sila ng extension ng nasabing hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pangunahing bilihin.
Layunin umano nitong tiyakin na mananatiling kontrolado ang presyo ng bigas sa merkado sa gitna ng iba’t ibang hamon sa suplay at presyo ng pagkain.
Gayunman, sinabi ni Castro na daraan pa sa pagsusuri ng National Price Coordinating Council (NPCC) ang naturang rekomendasyon bago ito tuluyang maipatupad.
Kapag nakakuha ng pagsang-ayon mula sa NPCC, isusumite naman ang rekomendasyon sa Pangulo para sa pinal na pag-apruba.