Naghain si Senate Committee on Basic Education Chair Senador Bam Aquino ng isang resolusyon na layong imbestigahan ang pagkamatay ng dalawang student-athlete ng Ateneo de Manila University men’s basketball team na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Sa isinusulong na Senate Inquiry ni Aquino, layong palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan at mga mekanismo ng pananagutan tungkol sa mga aktibidad at sports programs ng mga paaralan na ginagawa sa labas ng campus.
Ayon kay Senator Bam, kailangan ng masusi at patas na pagsusuri sa mga pangyayari na humantong sa insidente.
Sinabi rin ng senador na susuriin sa imbestigasyon kung sapat at maayos na naipatutupad ang mga umiiral na batas, regulasyon, at mga patakaran ng mga institusyon na nakakasaklaw sa mga aktibidad na inorganisa ng paaralan, partikular ang mga off-campus sporting, training at team-building activities.
Layunin rin aniyang repasuhin ang mga umiiral na patakaran para sa mga off–campus activity na inorganisa ng paaralan, kabilang ang pahintulot ng mga magulang, mga safety protocol, sapat na supervision, mga hakbang sa emergency response, koordinasyon sa mga lokal na awtoridad at iba pang hakbang para maprotektahan ang mga estudyante.
Nagtapos si Aquino ng elementary, highschool, at college sa Ateneo de Manila University.