Mariing kinondena ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang naging cyberattack sa Senate website kahapon at nanawagan ng nagkakaisang aksyon ng pamahalaan upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod nito.
Ayon kay Gatchalian, ang insidente ay hindi dapat ituring na isolated incident kundi bahagi ng lumalalang serye ng mga banta sa seguridad at independence ng Senado.
Matatandaang una nang itinaas sa heightened security alert ang Senado matapos makatanggap ng seryosong banta na iniulat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga senador.
Sinabi ni Gatchalian na ang pag-atake sa mga sistema ng Senado ay isang krimen at dapat itong tutukan ng mga kinauukulang ahensya.
Nanawagan din ang Acting Senate president sa National Bureau of Investigation (NBI), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na agad magsagawa ng masusing imbestigasyon para matukoy ang mga responsable sa cyberattack.
Una nang nilinaw ng Senado na limitado lang sa website defacement o hindi awtorisadong pagbabago sa itsura ng website ang pag-atake at walang nakompromisong mga legislative files, database, o sensitibong record ng institusyon.
Gayunpaman, iginiit ni Gatchalian na nananatiling seryosong paglabag sa integridad ng Senado ang naturang panghihimasok.
Binigyang-diin din ng senador na hindi matitinag ang Senado sa harap ng mga banta at pananakot.