Agad na kumilos ang Department of Agriculture (DA) para matiyak ang tulong sa mga mangingisda na pinangangambahang maapektuhan ng oil spill sa karagatang sakop ng Badoc, Ilocos Norte.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nagpadala na ng mga tauhan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para tumulong sa response operations na pinangungunahan ng Philippine Coast Guard.
Sa ngayon, prayoridad aniya ng DA na mapigil ang posibleng epekto ng oil spill sa yamang-dagat, at pagbibigay ng agarang ayuda sa nasa higit 100 mangingisdang maaaring maapektuhan.
Nakahanda naman na ang DA na magbigay ng food packs, pansamantalang tulong pangkabuhayan, at iba pang suporta sakaling maantala o maapektuhan ang pangingisda sa lugar.
Inatasan na rin ni BFAR Fisheries Undersecretary Drusila Bayate ang BFAR Region 1 na makipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment (DOLE) para maisama ang mga apektadong mangingisda sa TUPAD o cash-for-work program, gayundin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa food packs.