Pinalakas pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suplay ng relief goods matapos tumanggap ng 478 sako ng tig-50 kilong bigas para sa patuloy na pagtugon sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Direktang binili ang bigas mula sa National Cooperative Marketing Federation sa ilalim ng Sagip Saka Act o Republic Act No. 11321.
Layunin ng programa na suportahan ang mga organisasyon ng mga magsasaka habang pinatitibay ang suplay ng pagkain para sa mga programa ng pamahalaan para sa mga biktima ng kalamidad.
Gagamitin ang mga karagdagang suplay sa paggawa ng family food packs na ipinamamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, at iba pang kalamidad.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng patuloy na relief operations ng pamahalaan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking agad na naihahatid ang tulong sa mga apektadong mamamayan.