Iniulat ng DOST-PHIVOLCS at Mines and Geosciences Bureau Regional Office XII (MGB-12) ang malaking pagbabago sa baybayin ng Sarangani matapos ang magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 8.
Sa isinagawang aerial survey noong Hunyo 11, nakita ang tinatawag na coastal uplift o pag-angat ng lupa sa ilang bahagi ng Glan, Sarangani, gayundin sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Ayon sa PHIVOLCS, ang mga coral na dati ay nakalubog sa dagat ay lantad na ngayon dahil sa pag-angat ng lupa na dulot ng lindol.
Batay sa paunang obserbasyon, umangat ang ilang bahagi ng dalampasigan ng humigit-kumulang dalawang metro, habang umatras naman ang shoreline o baybayin ng tinatayang 200 metro.
Bukod dito, nakapagtala rin ang mga eksperto ng mga pagguho ng lupa o landslides sa ilang lugar na naapektuhan ng malakas na pagyanig.
Ayon sa PHIVOLCS, patuloy pang nagsasagawa ng pagsusuri ang mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang epekto ng lindol sa mga komunidad at imprastraktura sa rehiyon.