Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS ng 362 rockfalls, 24 volcanic earthquakes, walong volcanic tremors na tumagal mula isa hanggang 23 minuto, at apat na Pyroclastic Density Current (PDC) signals o uson sa Bulkang Mayon, ayon sa inilabas na ulat ng ahensya ngayong June 13, 2026.
Nakitaan din ng banaag ang bulkan habang nagpapatuloy ang pagdaloy ng lava sa mga daluyan ng Basud (3.8 kilometro), Bonga (3.2 kilometro), at Mi-isi (1.8 kilometro), kasabay ng panaka-naka at mahinang Strombolian activity.
Naitala naman sa 1,452 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan, batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya noong June 12, 2026.
Umabot sa 750 metro mula sa crater ang taas ng plume ng bulkan na may katamtamang pagsingaw at napadpad sa timog-kanluran, kanluran, at kanluran-hilagang-kanluran.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, kasabay ng nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan. Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pagdaloy ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.