Idineklarang hostile witness ng Senate Impeachment Court si Atty. Michael Poa, isa sa mga defense counsel ni Vice President Sara Duterte, sa pagpapatuloy ng impeachment trial ngayong Miyerkules.
Tinawag si Poa ng prosecution panel para tumestigo kaugnay ng ₱112.5 million confidential funds ng Department of Education (DepEd) noong kalihim pa nito si VP Sara.
Ayon kay Presiding Officer Senador Chiz Escudero, dahil hostile witness si Poa, maaari nang magtanong ang prosecution counsel na si Atty. Benjamin Tolosa gamit ang mga leading question.
Itinuturing na hostile witness ang isang testigong pinaniniwalaang mas pabor sa kabilang panig.
Noong kalihim pa si Duterte ng DepEd mula 2022 hanggang 2024, nagsilbi si Poa bilang chief of staff, officer-in-charge ng finance unit, at kalaunan ay spokesperson ni Duterte. Matapos ang termino ni Duterte bilang kalihim ng DepEd, naging kinatawan niya si Poa sa mga impeachment complaint noong 2025 at ngayon ay isa sa kanyang mga abogado sa impeachment trial.