Kumpiyansa si House Appropriations Committee Vice Chair Jose Alvarez na hindi sya mahihirapang depensahan ang panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2027.
Ayon kay Alvarez na magsisilbing budget sponsor ng OVP, mas mababa pa ang hinihinging pondo ng OVP para sa susunod na taon at wala rin aniyang contentious na programa na maaaring pagmulan ng malaking pagtutol sa deliberasyon.
Una nang hiniling ni Alvarez sa mga mambabatas na dumalo sa budget hearing na ituon ang kanilang mga tanong sa panukalang pondo ng OVP at iwasang talakayin ang mga usaping kasalukuyang pinagdedebatehan sa impeachment trial sa Senado.
Samantala, wala pang kumpirmasyon kung personal na dadalo si Vice President Sara Duterte sa plenary deliberations ng 2027 budget ng OVP, ngunit sinabi ni Alvarez na walang magiging problema kung si OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez muli ang kumatawan sa Bise Presidente dahil nasa undersecretary level naman siya. Kinumpirma rin ni Alvarez na walang confidential funds sa 2027 proposed budget ng OVP.