Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa pamunuan ng North Luzon Expressway o NLEX na ikonsidera ang pag refund ng toll fees para sa mga motoristang matagal na na-stranded dahil sa matinding pagbaha sa San Simon, Pampanga.
Sa privilege speech sa sesyon nitong martes, sinabi ni Villanueva na umabot sa sampung kilometro ang traffic dahil sa baha habang may ilang motorista na umabot sa 22 oras sa kalsada.
Hiniling din niya sa NLEX Corporation na tiyaking nabibigyan agad ng tubig, pagkain, portable toilets at medical assistance ang mga nasa-stranded.
Ayon kay Villanueva, hindi na bago ang pagbaha sa San Simon.
Noong 2023, itinaas na aniya ang bahagi ng expressway bilang medium-term solution, pero hindi ito naging sapat para matugunan ang paulit-ulit na pagbaha.
Giit ng senador, kailangan ng malinaw, sapat na pondo,time-bound at permanenteng solusyon sa problema.
Pinatitiyak rin ni senator joel ng mas malinaw na advisories, sapat na signages at traffic personnel kapag may road closures para sa rerouting ng mga motorista. | ulat ni Nimfa Asuncion