Mas hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay laban sa pagpapakalat ng pekeng perang papel.
Ito ay sa gitna ng pagdami ng mga transaksyong gumagamit ng cash ngayong Kapaskuhan.
Inatasan ni PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga regional at lokal na yunit ng pulisya na paigtingin ang intelligence monitoring at operasyon, upang matukoy ang mga indibidwal at grupong gumagawa, nag-iingat at namamahagi ng pekeng pera.
Ayon kay Nartatez, hindi lang usaping pinansyal ang pekeng salapi. Isa raw itong krimen na sumisira sa tiwala ng publiko sa monetary system ng bansa, at pumipinsala sa mga mamimili at lehitimong negosyo.
Kasabay nito, paiigtingin din ng PNP ang information campaign para matulungan ang publiko na makilala ang tunay na pera sa pamamagitan ng mga security feature nito.
Hinimok din ni Nartatez ang mga mamimili at negosyante na maging maingat sa paghawak ng cash.
“We urge the public and business establishments to remain vigilant and exercise caution in handling cash but vigilance must always be accompanied by fairness and respect,” aniya.