Pinadalhan ng show-cause order ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Pascual Liner Inc., matapos mag-viral sa social media ang tangkang “road bullying” ng isa nitong bus.
Ayon kay Acting LTFRB Chairperson Atty. Greg Pua, kailangang ipaliwanag ng operator kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang prangkisa nito. Pinasasagot din ito kung bakit hindi dapat maparusahan sa pagkuha ng “reckless driver.”
Makikita sa video ang isang bus na may rutang Fairview–North EDSA na umiwas sa trapik sa isang lugar sa Quezon City. Pumasok ito sa kabilang lane kahit may mga sasakyang dumaraan doon.
Giit ni Pua, hindi dahilan ang matinding trapik para lumabag sa batas trapiko o mang-bully ng kapwa motorista. Hindi rin daw porke malaki ang bus ay pwede na itong magmaangas sa kalsada.
Nakatakda naman ang pagdinig sa kaso sa December 9.