Aarangkada bukas, September 3 ang nationwide simultaneous school safety drill ng Department of Education (DepEd) sa buong bansa.
Ayon sa DepEd, gaganapin ang kick-off ceremony sa Carlos Gonzales High School sa Barangay Maguinao, San Rafael, Bulacan.
Ito ay bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng seguridad at kahandaan sa emergency o threat sa mga paaralan.
Inaasahan dadalo sa aktibidad ang mga opisyal ng DepEd, mga lokal na pamahalaan, at mga ahensyang nangunguna sa public safety at disaster response.
Tampok sa aktibidad ang scenario briefing na may 30-minutong full-scale lockdown drill, at post-drill review at evaluation.
Kasama sa evaluation ang mga kinatawan ng Office of Civil Defense, Department of the Interior Local Government, Bureau of Fire Protection, Local Disaster Risk Reduction and Management Office, at Philippine National Police.
Magsisimula ang drill ng alas-9 ng umaga at magtatapos ng alas-11:30 ng umaga. Kabilang sa makikibahagi sa drill ay ang mga paaralan mula sa Regions 1 hanggang 12, gayundin ang NCR, CAR, CARAGA, at Negros Island Region.