Isinusulong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagbuo ng isang Special Senate Committee na tututok sa agarang pagtugon sa paghina ng ekonomiya at epekto ng mga pandaigdigang krisis.
Sa kanyang sponsorship sa Proposed Senate Resolution No. 618, iminungkahi ni Gatchalian ang pagbuo ng Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth o RISE Ad Hoc Committee.
Layunin nitong buhayin ang investments, protektahan ang mga manggagawa at consumers, at palakasin ang economic resilience ng bansa.
Kabilang sa mga tinukoy na hamon ang pagbaba ng economic growth projections, paghina ng household consumption, mababang public infrastructure spending, at pagtaas ng presyo ng langis dahil sa sigalot sa Middle East.
Inaasahang magsusumite rin ang panel ng interim report at mga rekomendasyon na maaaring maisama sa 2027 National Budget bago ito tuluyang ratipikahan ng Kongreso. Ayon kay Gatchalian, kailangang gamitin ang mga kasalukuyang hamon bilang pagkakataon para sa pangmatagalang pagbabago at makamit ang mas maunlad at matatag na ekonomiya.