Walang tigil ang pamamahagi ng food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga komunidad na naapektuhan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa DSWD, umabot na sa 200,911 ang bilang ng Family Food Packs o FFPs na naipamahagi nito sa Ilocos Region, CAR, Central Luzon, Metro Manila at CALABARZON.
Pinakamarami ang naihatid na food assistance sa mga pamilya sa Central Luzon na aabot na sa 112,000.
Ang mga FFP ay naglalaman ng pangunahing pagkain na maaaring makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilya habang nakararanas ng epekto ng kalamidad.
Sa kabila rin ng matinding trapiko sa NLEX, tuloy-tuloy na naihatid ng DSWD ang kinakailangang suporta sa mga apektado ng Habagat sa Central Luzon.
Sa tulong ng pamunuan ng NLEX at sa suporta ng Department of Transprotation, pinayagang makadaan sa zipper lane ang mga convoy truck ng DSWD na may dalang libo-libong kahon ng family food packs (FFPs).