Umaasa ang Commission on Elections (COMELEC) na tataas ang voter turnout ng mga overseas Filipino sa darating na halalan sa pag-roll out ng internet voting sa lahat ng 104 overseas posts.
Sa budget hearing, tinanong ni Galing sa Puso Party-list Rep. JP Padiernos si COMELEC Chair George Garcia tungkol sa assessment nito sa unang implementasyon ng internet voting sa nakaraang halalan.
Ayon kay Garcia, isa sa mga hiling ng mga botante ay mabigyan sila ng pagkakataong makita o ma-review ang kanilang naisumiteng boto, ngunit maaari itong magamit sa vote buying kung kukunan ng larawan ang balota.
Dahil dito, sinabi ni Garcia na sa bagong terms of reference, bibigyan ng pagkakataon ang mga botante na matingnan kahit saglit ang kanilang boto bago ito tuluyang ma-finalize.
Inilatag din ni Garcia ang mga hakbang para matiyak na ang mismong rehistradong botante ang bumoboto online, kabilang ang voter registration, enrollment, paggamit ng identification documents, at one-time PIN.
Ipinaliwanag niyang kailangang dumaan sa proseso ng enrollment ang botante at beripikahin ng sistema ang kanyang pagkakakilanlan bago siya makaboto.
Umaasa ang COMELEC na sa pagpapalawak ng internet voting ay tataas ang overseas voter turnout, na nasa 18.22 porsyento lamang noong nakaraang midterm elections.