Humirit ang COMELEC ng special provision sa 2027 General Appropriations Act (GAA) upang magamit nito bilang continuing appropriation ang ₱11 bilyong budget ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sakaling hindi matuloy ang halalan ngayong taon.
Ayon sa COMELEC, nakalaan na sa 2026 GAA ang ₱11 bilyon para sa BSKE at maaaring payagan sa pamamagitan ng special provision na gamitin ang naturang pondo para sa iba pang kritikal na pangangailangan ng poll body.
Sinabi ng COMELEC na malaking tulong ito upang mapunan ang kanilang kakulangan sa budget.
Una nang sinabi ni COMELEC Chair George Garcia na mahalagang mapunan ang humigit-kumulang ₱9 bilyong budget cut sa kanilang 2027 proposal para sa paghahanda sa 2028 national at local elections.
Sa harap ng limitadong fiscal space, isa sa nakikitang solusyon ng COMELEC ang paggamit sa bahagi ng pondong nakalaan sana sa BSKE upang makatulong na punan ang nabawas sa kanilang budget.
Nangako naman si Garcia na isusumite sa komite ang panukalang wording ng special provision upang maisama ito sa deliberasyon sa 2027 budget.