Senate of the Philippines
Nanawagan sina Senador JV Ejercito at Senadora Pia Cayetano na imbestigahan at papanagutin ang mga responsable sa pagkakatuklas sa 29 na bangkay ng mga alagang hayop na iniwan sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan, at iniuugnay sa isang pet crematorium sa Bacoor City.
Ayon kay Ejercito, nakagagalit at nakalulungkot ang sinapit ng mga hayop na aniya’y bahagi na ng pamilya ng kanilang mga amo at nararapat mabigyan ng maayos at marangal na huling hantungan.
Welcome naman sa senador ang pagpapasara ng lokal na pamahalaan ng Bacoor sa naturang pet crematorium at ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng pulisya.
Nangako rin siyang sisilipin ng Senado ang insidente bilang bahagi ng pagtukoy sa mga kakulangan sa batas at mga hakbang para maiwasan na maulit ang insidente.
Samantala, sinabi ni Senadora Pia na may karapatan ang mga pet owner na igiit ang pagtupad sa napagkasunduang serbisyo at humingi ng danyos sa pinsala at paghihirap na kanilang dinanas.
Bukod sa kapabayaan, sinabi rin ng senadora na nagdudulot ng pangamba sa kalusugan at sanitation ang pagtatapon sa mga labi ng hayop sa bakanteng lote.
Nakatakda rin aniya siyang maghain ng resolusyon para imbestigahan sa senado ang insidente at palakasin ang mga umiiral na batas. | ulat ni Nimfa Asuncion