Laging bukas at maaaring magamit ng publiko ang mga inihahaing serbisyo ng Philhealth YAKAP partikular sa mga residenteng lumusong sa baha at nanganganib sa sakit na leptospirosis.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay Philhealth Corporate Communication Department Acting Senior Manager Christine Mae Magno, sinabi nitong maaaring magpakonsulta ang mga PhilHealth member sa mapipili nilang YAKAP clinic upang agad na mabigyan ng lunas kontra leptospirosis.
Mas mahalaga kasi ayon kay Magno na maagapan na ang sakit bago pa ito lumala at mapunta sa hospitalization.
Sakali namang ma-ospital ay mas pinalawak na rin ang PhilHealth coverage kontra leptospirosis kaya walang dapat ipangamba ang publiko.
Hirit pa ng PhilHealth official na sadyang itinuturo nila sa bawat Pilipino ang pagiging habit na tiyaking nakukuha nila ang nararapat na serbisyong medikal sa tulong ng PhilHealth YAKAP upang makaiwas sa mas malalalang uri ng sakit.
Samantala, nakiusap na rin ang Philhealth sa mga partner hospitals at medical clinics na ipaskil sa kani-kanilang establisyimento na sila ay isang Philhealth YAKAP clinic upang mas madaling ma-access ng publiko ang mga serbisyo ng YAKAP.