Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na maaari nang gamitin sa commercial market ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) ngayong linggo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, maaari nang bumili ng ASF vaccine ang mga hog raisers basta’t dumating na ang supply mula sa supplier.
Layunin ng hakbang na maprotektahan ang mga alagang baboy laban sa ASF at makatulong na ma-stabilize ang farmgate price ng baboy na kasalukuyang mababa.
Aminado ang DA na marami pa ring hog raisers ang nangangamba sa ASF, lalo na ngayong tag-ulan.
Paliwanag ng kalihim, muling lumalabas ang ASF tuwing umuulan dahil maaaring manatili ang virus sa lupa at groundwater kahit natabunan na ang mga namatay na baboy.
Dahil dito, may mga hog farmer na nagbabawas o nag-a-unload ng kanilang stocks dahil sa pangambang tamaan ng ASF ang kanilang mga alagang baboy.
Umaasa ang DA na makatutulong ang commercial availability ng bakuna para maprotektahan ang mga hog raisers at mapatatag ang presyo ng baboy sa farmgate level.