Hinarang ng mga tauhan ng Lanao del Norte Police Provincial Office (PPO) kasama ang Philippine Army ang convoy ng MILF 131st Brigade sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Libertad, Kolambugan, Lanao del Norte kaninang umaga.
Binubuo ng 23 sasakyan at limang motorsiklo ang convoy na isinailalim sa kaukulang beripikasyon.
Ayon kay Lanao del Norte PPO Director PCol. Leo De Leon Sua, walang naipakitang dokumento o patunay ang grupo ng kanilang koordinasyon sa mga kinauukulang awtoridad kaugnay ng pagbiyahe nila sa lugar.
Dahil dito, maayos na pinabalik ng PNP at AFP ang convoy sa pinanggalingan nito sa Picong, Lanao del Sur.
Paliwanag ni Sua, layon ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang peace and order, habang iginagalang ang umiiral na peace mechanisms.
Hinimok naman ng PNP ang mga concerned parties na magsagawa muna ng maayos na koordinasyon, lalo na sa malalaking convoy, upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.