Iginiit ni Atty. Lorna Kapunan na hindi dapat 24 senador ang batayan ng two-thirds vote para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment case, kundi ang bilang lamang ng mga senator-judges na aktuwal na lalahok at makikinig sa paglilitis.
Ayon kay Kapunan, na kabilang sa private prosecution panel, ang mahalaga sa impeachment ay hindi simpleng bilang kundi ang presensya ng mga senador na nakakita ng ebidensya at nakarinig ng mga testigo.
Ipinunto rin niya na kung ang isang opisyal ay nasa kustodiya o suspendido sa tungkulin, hindi ito dapat isama sa bilang ng “all members” na pagbabatayan ng two-thirds vote.
Binanggit din niya ang sitwasyon nina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Jinggoy Estrada bilang mga halimbawa sa kanyang argumento.
Giit pa ni Kapunan, sa mga “gap” sa batas, dapat manaig ang diwa ng Konstitusyon at hindi lamang ang literal na interpretasyon ng bilang na nakasaad sa Article XI, Section 3 ng 1987 Constitution.
Ikinumpara rin niya ang usapin sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni dating Senador Antonio Trillanes IV, kung saan hindi ito pinayagang gampanan ang ilang tungkulin habang nasa kustodiya.