Nanawagan si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan sa Maritime Industry Authority na maging mas maagap sa pagtatakda at pagpapatupad ng mahigpit na pamantayan sa kaligtasan sa dagat upang maiwasan ang mga trahedya.
Bilang Vice Chairperson ng House Committee on Transportation, binigyang-diin ni Yamsuan ang umano’y kakulangan sa foresight ng Maritime Industry Authority sa pagtugon sa mga aksidente sa dagat, kabilang ang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 noong Enero.
Bagama’t kinilala niya ang ilang rekomendasyon at hakbang ng ahensya kaugnay ng insidente, sinabi ng mambabatas na kapansin-pansin pa rin ang kahinaan sa pagpapatupad.
Tiniyak din ni Yamsuan na handa ang Kamara na tumulong sa mga repormang kailangan ng ahensya.
Iminungkahi rin niya na muling suriin ang 52-taong charter ng Maritime Industry Authority upang matukoy kung kinakailangan na itong amyendahan.
Hinimok din niya ang ahensya na pag-aralan ang panukalang batas ni Representative Jurdin Jesus Romualdo na naglalayong i-modernisa ang Maritime Industry Authority upang makaagapay ito sa pag-unlad ng industriya at matugunan ang mga kasalukuyang hamon nito.