Magandang senyales ang pagpirma ng deal sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ayon kay financial analyst na si Jonathan Ravelas.
Sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Ravelas na magandang senyales ito, pero hindi dapat maging kampante.
Aniya, parang “the boy who cried wolf,” ito dahil ilang ulit nang sinabing malapit na ang kasunduan pero wala pang konkretong pirmahan.
Dagdag ni Ravelas, ngayong virtual signing ang usapan, dapat may halong pagdududa pa rin.
Gayunman, sinabi ni Ravelas na ramdam daw sa merkado ang pag-asa.
Lumakas ang piso, bumaba ang pressure sa presyo ng langis, at maraming naniniwalang baka ito na nga ang breakthrough na hinihintay ng mundo. Pero paalala ni Ravelas na kahit bumababa ang tensyon, mataas pa rin ang presyo ng langis kumpara bago nagsimula ang gulo.
Binanggit din niya ang mas malawak na epekto kung saan nararamdaman ng maraming bansa ang paghina ng kanilang currency, ang pag-angat ng dolyar, at ang pangamba ng global markets dahil sa inflation at interest rate movements. Kaya’t malinaw, ang mundo ay sabik sa anumang hakbang na magpapababa ng tensyon at magpapagaan sa ekonomiya.
Sa dulo, umaasa si Ravelas na matuloy na ang pirmahan, matapos ang halos isang buwang paulit-ulit na balitang “malapit na.” Dahil kung mangyari ito, malaking ginhawa ang maibibigay nito hindi lang sa rehiyon, kundi sa buong mundo.
Una nang nagpahayag si U.S. President Donald Trump na malapit ng mapirmahan ang kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran ngayong linggo.
Saklaw ng kasunduan ang 60‑day technical negotiations, kabilang ang pag-alis sa nuclear program ng Iran at ang ganap na pagbubukas ng Strait of Hormuz.