Nakibahagi ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isang multinational group sail kasama ang mga hukbong-dagat at coast guard force ng iba’t ibang bansa habang patungo sa Hawaii noong Hunyo 12, bilang bahagi ng pagpapalakas ng maritime cooperation at regional partnerships sa Indo-Pacific.
Kabilang sa mga lumahok ang United States Coast Guard, Japan Maritime Self-Defense Force, Republic of Korea Navy, Republic of Singapore Navy, Italian Navy, at Philippine Navy.
Pinangunahan ng PCG ang partisipasyon ng BRP Gabriela Silang, habang kabilang din sa mga barkong sumama ang BRP Miguel Malvar ng Philippine Navy at iba pang modernong sasakyang-pandagat ng mga partner nation.
Sa isinagawang coordinated maneuvers at professional engagements sa dagat, pinagtibay ng mga kalahok ang kanilang interoperability, operational readiness, at kakayahang tugunan ang mga karaniwang hamon sa maritime security.
Ayon sa PCG, ipinapakita ng aktibidad ang sama-samang hangarin ng mga bansa na mapanatili ang kalayaan sa paglalayag, seguridad sa karagatan, at isang rules-based international order. Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng PCG na isulong ang kooperasyon, tiwala, at kapayapaan sa rehiyon ng Indo-Pacific.