Arestado ang isang 28-anyos na caretaker matapos umanong tangayin ang mahigit P2.3 milyong halaga ng alahas, cellphone, at salapi mula sa inuupahang bahay ng kanyang mga amo sa Barangay San Antonio, Makati City.
Batay sa imbestigasyon, sinamantala umano ng suspek ang Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12 habang nasa Laguna ang mga may-ari ng bahay. Nang makauwi ang mga ito kinabukasan, tumambad sa kanila ang magulong bahay at mga nawawalang gamit, kabilang ang tatlong mamahaling relo na nagkakahalaga ng kabuuang P1.25 milyon, isang cellphone, at humigit-kumulang P1.3 milyong cash.
Sa pagsusuri ng kuha mula sa isang cellphone na ginawang improvised CCTV, nakita umano ang caretaker na pumasok gamit ang master key, naghalughog ng mga silid, at kinuha ang mga nawawalang gamit.
Agad na pinuntahan ng mga awtoridad ang tinitirhan ng suspek na malapit lamang sa lugar. Doon, isinuko niya ang P52,000 cash at isang cellphone, na nagresulta sa kanyang pag-aresto.
Ayon sa NCRPO, paalala ang insidente na maging maingat sa pagpili ng mga katiwala sa tahanan. Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang suspek at haharap sa kasong qualified theft sa ilalim ng Revised Penal Code.