Bilang bahagi na rin ng pagkakaroon ng muwang (child development) ng isang taong ngayon ay mayroon nang narcissistic personality disorder (NPD), masasabing isa sa mga nagiging sanhi ng ganitong uri ng kondisyong mental ay ang mataas na ekspektasyon na nanggagaling sa ibang tao.
Ayon sa registered psychologist na si Kurt Christian Arcangel, na siya ring may-ari at founder ng Cognicare Psychological Center, kasama na sa pagpapairal ng mataas na ekspektasyon mula pagkabata pa lamang ay iyong pagiging achiever nito o iyong dalas na pagpuri ng kaniyang kapwa sa mga achievement na ito.
Sa bahagi ng programang “Warm Heart” sa himpilang Radyo Pilipinas World Service, inilarawan ni Arcangel ang pagkakaroon ng NPD bilang isang matagal at paulit-ulit na pattern ng sobrang pagtingin sa sarili, kung saan mayroong masidhing pangangailangan ang isang tao na laging mapuri ngunit hirap na makaunawa ng damdamin ng kanyang kapwa.
Batay na rin sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders, 5th Edition o DSM-5, ani Arcangel, tinitingnan sa mundo ng sikolohiya ang NPD bilang isang “pattern of grandiosity, need for admiration, and lack of empathy”.
Pagdating sa pagtukoy kung mayroong NPD ang isang indibidwal, ibinahagi ni Arcangel na kinakailangan ng komprehensibong psychological evaluation upang malaman kung ang mga personality disorder tulad ng NPD ay dahil sa trauma o sa naging child development stage nito.