Binisita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, kasama si Disaster Response Management Group (DRMG) Undersecretary Diane Rose Cajipe, ang mobile kitchen ng DSWD Field Office Caraga na naghahanda ng pagkain para sa 1,000 internally displaced persons (IDP).
Sa kanyang pagbisita ngayong araw, personal na nasaksihan ng kalihim ang maayos na paghahanda ng pagkain para sa mga pamilyang pansamantalang lumikas dahil sa lindol na tumama sa Mindanao.
Layunin ng mobile kitchen na matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang mga naapektuhang mamamayan habang nananatili sila sa tent city sa Glan, Sarangani.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang kalihim sa mga “Angels in Red Vests” ng DSWD Field Office Caraga dahil sa kanilang dedikasyon at malasakit sa paglilingkod.
Habang unti-unting bumabangon ang mga IDP mula sa pinsalang dulot ng lindol, nananatiling tapat ang DSWD Caraga sa misyon nitong umalalay, umagapay, at makasama sila sa bawat hakbang ng kanilang muling pagbangon. | ulat ni Dyannara S. Jaque, RP Butuan