Bagamat sa kabuuan ay isang masayang pagdiriwang ang Pride Month, panahon din ito upang magkaroon ng mga diskusyon sa tunay na kalagayan ng mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer/Questioning, Intersex, and Asexual+ o LGBTQIA+ community, lalung-lalo na pagdating sa kanilang mental health.
Matatandaan na inoobserbahan ang Pride Month kada buwan ng Hunyo.
Sa programang “Warm Heart” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Prof. Justine Ray Nojadera Chavez, isang registered psychologist and psychometrician, na sa likod ng ngiti ng ating mga kapatid sa LGBTQIA+ community ay mayroon pa rin silang mga pinagdadaanan.
Ani Prof. Chavez, nakararanas ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community ng anxiety, depression, at chronic stress na kailangan ding matugunan dahil kahit nasa modernong panahon na tayo ngayon, nakararanas pa rin ng diskriminasyon ang mga nasa LGBTQIA+ community.
Dagdag ng eksperto, nandiyan pa rin ang tinatawag na stereotyping sa usapin ng kasarian ng isang indibidwal.
Kaya naman, ayon kay Prof. Chavez, kailangang maipalaganap ang kultura ng acceptance sa pamilya at kabuuan ng lipunan upang maging bukas din ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community na ihayag ang kanilang mga tunay na saloobin.