Patuloy na lumalakas ang turismo sa bansa kasabay ng pagdami ng mga dayuhang bumibisita ngayong ikalawang quarter ng 2026.
Batay sa datos ng Bureau of Immigration, umakyat sa 1.358 million ang bilang ng foreign arrivals noong Abril ngayong taon mula sa 1.337 million sa kaparehong panahon noong 2025.
Tumaas din sa 1.309 million ang mga dumating noong Mayo mula sa 1.299 million noong nakaraang taon.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, malaking ambag sa paglago ng turismo ang pinaigting na seguridad sa mga paliparan at pantalan ng bansa.
Nangunguna pa rin sa mga turistang bumibisita sa Pilipinas ang mga South Korean, na sinundan ng mga Amerikano, Canadian, Japanese, at Chinese.
Kaugnay nito, isinusulong ng BI ang isang ₱10.74-bilyong Public-Private Partnership project para sa modernisasyon ng border control systems sa mga pangunahing paliparan, isang international seaport, at mga border station sa bansa.
Kabilang sa mga nakatakdang ipatupad ang biometric facial recognition, immigration kiosks, at mas advanced na passenger screening technologies. Ayon pa kay Sandoval, mahalaga ang makabago at mahigpit na border security upang mapanatiling ligtas ang bansa at masuportahan ang patuloy na paglago ng turismo.