Pinalalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kaalaman ng mga pulis sa tamang paghawak ng labor-related situations upang matiyak ang paggalang sa karapatan ng mga manggagawa at kalayaang sibil.
Nagsagawa ang DOLE, sa pamamagitan ng Bureau of Labor Relations (BLR), ng orientation para sa mga tauhan ng Philippine National Police sa Intramuros, Maynila.
Layunin nitong palalimin ang pag-unawa ng mga kalahok sa Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties, kabilang ang tamang paghawak sa mga welga, piket, at iba pang mapayapang pagtitipon.
Binigyang-diin ni DOLE OIC Undersecretary Gerard Mosquera ang kahalagahan ng dayalogo, habang tinalakay ng mga resource speaker ang mga legal na batayan ng karapatan ng mga manggagawa, international labor standards, at mga tungkulin ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagprotekta sa mga ito.
Ipinaliwanag naman ni BLR Director Arturo Alfonso Herbosa ang mga papel ng DOLE at PNP, pati ang mga protocol sa pagresponde ng pulisya sa labor disputes at pagtiyak na hindi nalalabag ang karapatan ng mga manggagawa. Ayon sa DOLE, bahagi ito ng patuloy na pagsusulong ng rights-based approach upang matiyak na malayang naipapahayag at naipagtatanggol ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan nang walang pangamba sa pananakot o hindi makatarungang panghihimasok.