Sa gitna ng patuloy na pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao, ipinagpatuloy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paghahatid ng tulong at suplay sa mga apektadong residente.
Tumanggap ang PCG ng daan-daang 7-litro na bote ng distilled water mula sa FPJ Panday Bayanihan Party List, na pormal na ipinagkaloob sa pamamagitan ni Auxiliary Commodore Brian Poe-Llamanzares ng Philippine Coast Guard Auxiliary. Ang mga donasyong tubig ay dadalhin ng BRP Corregidor at ipamamahagi sa mga komunidad na nangangailangan ng malinis na inuming tubig.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief operation ang BRP Mala-mawi sa mga baybaying barangay ng Jose Abad Santos, Davao Occidental. Katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, naghatid ang PCG ng 560 food packs mula sa DSWD, kasama ang mga banig, kumot, damit, trapal, lalagyan ng tubig, at iba pang mahahalagang suplay para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol. Ayon sa PCG, bahagi ito ng kanilang iCARE program upang matiyak ang agarang pagtugon at tulong sa mga komunidad habang nagpapatuloy ang relief at recovery efforts sa Mindanao.
📸 PCG / BRP Malamawi/ Rep. Brian Poe