Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpapatuloy ang paghahatid ng tulong at pagsasaayos ng mga nasirang imprastruktura sa Mindanao kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama noong Hunyo 8.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), bukas na sa mga motorista ang karamihan sa mga national road sections at tulay na naapektuhan ng lindol matapos ang tuloy-tuloy na clearing operations at restoration works.
Kabilang sa mga naibalik na sa normal na operasyon ang Sapu Masla Bridge sa Sarangani, Bucana Bridge sa Davao City, at Lampari Bridge sa South Cotabato.
Patuloy rin ang pagkukumpuni sa ilang kritikal na imprastruktura tulad ng Butulan Bridge sa Davao Occidental, Buayan Bridge sa South Cotabato, at Aquino Bridge sa Sarangani.
Nagsasagawa rin ng emergency repairs ang DPWH sa mga ospital, health facilities, at paaralan sa mga apektadong lugar.
Nagbigay din ang DPWH ng mga electric fan, extension cord, at portalets para sa Glan Medicare Community Hospital sa Sarangani upang makatulong sa mga pasyente at medical personnel. Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, nagpapatuloy ang 24-oras na operasyon ng DPWH para sa paglilinis, pagkukumpuni, at paghahatid ng kinakailangang tulong upang mapabilis ang pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng lindol sa Mindanao.