Inaasahang mas mapagtitibay ang ugnayan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Russia sa gaganaping ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan, Russia sa darating na Hunyo 17 hanggang 18, 2026.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Chief Economist Michael Ricafort, binigyang-diin ng ekonomista ang kasalukuyang estado ng relasyon at kooperasyon sa pagitan ng ASEAN at Russia.
Ayon kay Ricafort, posibleng masuri at talakayin ang mga usapin hinggil sa enerhiya sa pagitan ng Pilipinas at Russia, bagama’t nilinaw niya na wala pang pinal na kasunduan ukol dito.
Sa usapin ng kahalagahan ng Russia sa global supply at enerhiya, inugnay rin ng ekonomista ang sitwasyon sa naganap na kasunduan ng United States (US) at Iran na muling buksan ang estratehikong Strait of Hormuz.
Sa kabila ng mga pagbabagong ito sa Gitnang Silangan, nananatiling kritikal ang papel ng Russia sa pandaigdigang merkado.
Ang Russia ay kinikilala bilang isa sa mga pinakamalaking producer at supplier ng langis sa buong mundo at bukod sa enerhiya, ang bansa ay pangunahing pinagmumulan ng mga mahahalagang butil tulad ng mais, soybean, at trigo (wheat).
Binigyan-diin din ng ekonomista na ang pagpapanatili ng kapayapaan at matatag na ekonomiya ay mahalaga upang mapanatili ng Pilipinas at ng buong rehiyon ang magandang relasyon sa Russia upang maayos na mapangasiwaan ang suplay ng mga pangunahing bilihin sa mundo.
Ang hakbang na ito ay makatutulong din sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa mga bansa sa loob ng ASEAN. Dagdag pa ng eksperto, malaki ang maitutulong ng pakikipagtulungan sa Russia upang mapalakas ang ekonomiya ng Pilipinas at ng mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya.