Pinaiigting ng Department of Agriculture (DA) ang mga hakbang upang maibalik sa normal ang populasyon ng mga baboy sa bansa at matiyak ang matatag na suplay at presyo ng karne sa merkado.
Sa ginanap na Hog Festival 2026, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na patuloy na ipinatutupad ng ahensya ang mas mahigpit na biosecurity measures at science-based repopulation programs.
Layunin nitong mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) at mapabilis ang pagbangon ng industriya.
Nais din ng pamahalaan na maibalik ang produksyon ng hog sector habang pinoprotektahan ang kabuhayan ng mga magbababoy at pinananatiling abot-kaya ang presyo ng baboy para sa mga mamimili.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 8.75 milyong ulo ang swine inventory ng bansa noong 2025 mula sa 9.57 milyong ulo noong nakaraang taon.
Binigyang-diin ng DA na mahalaga ang tuluyang pagbangon ng hog industry upang mapalakas ang food security at makatulong sa pagkontrol ng pagtaas ng presyo ng pagkain sa bansa.