Ipinahayag ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ang suporta sa panukalang maglaan ng P15 bilyong supplemental budget para sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Sa ilalim ng kanyang House Bill No. 9860, layunin ng panukala na palakasin ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) para sa agarang relief, recovery, rehabilitation, at reconstruction ng mga nasalantang komunidad.
Babala niya, ang pagkaantala sa paglalaan ng pondo ay magpapalala lamang sa sitwasyon mula sa kabuhayan at edukasyon hanggang sa pagbangon ng mga komunidad.
Ayon sa panukala, ang P15 bilyon ay ilalaan sa iba’t ibang ahensya para sa isang cross-sectoral response.
Kasama rin sa panukala ang mahigpit na transparency at accountability measures, kabilang ang multi-agency coordination at regular na pagsusumite ng ulat sa Kongreso at sa publiko. Ang panukala ni De Lima ay counterpart measure ng Senate Bill No. 2259 na inihain ni Sen. Kiko Pangilinan.