Pinag-aaralan ng House prosecution panel ang posibilidad na gumamit ng Filipino at iba’t ibang regional dialect sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson at lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, kabilang ito sa mga ihahain nila sa nakatakdang pre-trial conference sa Hunyo 18.
Iminungkahi ni Luistro na payagan ang paggamit ng Filipino sa ilang bahagi ng paglilitis ng kapwa prosekusyon at depensa upang mas maunawaan ng mas nakararaming Pilipino ang proseso.
Giit niya, bagama’t may mga teknikal na terminolohiyang legal na mahirap isalin, mahalaga pa ring maging bukas at nauunawaan ng publiko ang impeachment trial bilang isang prosesong konstitusyonal na direktang nakaaapekto sa mamamayan.