Isang linggo matapos tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na wala na silang nakikitang posibilidad na may buhay pa sa 36 na indibidwal na napaulat na nawawala.
Ayon kay OCD Administrator for Administration, Assistant Secretary Raffy Alejandro, pinaniniwalaang karamihan sa mga nawawalang ito ay natabunan ng gumuhong lupa sa Jose Abad Santos, Davao Occidental kasunod ng malakas na pagyanig.
Inamin ni Alejandro na malaking hamon ang pagpapatuloy ng search operations sa mga lugar nagkaroon ng landslide.
Aniya, kinakailang nilang pansamantalang ihinto ang operasyon sa isang lugar dahil sa hirap na maipasok at maipaakyat ang mga heavy equipment na kinakailangan sa paghahanap.
Sa kabila nito, sinabi niyang nagpapatuloy ang masinsinang retrieval operations para sa mga nawawalang biktima. Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang OCD sa mga lokal na pamahalaan kaugnay ng magiging desisyon sa pagpapatuloy ng excavation efforts para sa iba pang pinaniniwalaang nalibing sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.