Ibinahagi ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang timeline ng mga pangyayari sa pagkaswi ng dalawang student-athletes na si Rene Baterbonia at Diving Adili.
Partikular na rito nang simula nang umalis sa Davao si Baterbonia hanggang sa mangyari ang malagim na trahedya ng pagkalunod nito sa isinagawang umano’y training ng Ateneo Blue Eagles sa Dipaculao, Aurora.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni CIDG Director PMGEN Robert Morico II na posibleng homicide at hazing ang tinutumbok na direksyon ng imbestigasyon.
Ito ay magbabase sa resulta ng isasagawang mga interview ng CIDG sa mga ipinatawag na indibidwal kabilang ang mga coach, basketball players, mga dating student-athletes, at iba pa.
Ayon kay Morico, ang Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 ay sumasaklaw hindi lamang sa mga fraternity sa mga akademiya at organisasyon gaya ng police training, pero sa lahat ng organisasyon.
Kabilang na sa iniimbestigahan ng CIDG ang ginawang calithenics ng grupo, exposure sa weather, brutal treatment, at forced physical activity.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Morico na noong araw na nasawi si Baterbonia noong June 8 ay natalo ang kanilang grupo at sila pa mismo ang naghanda ng tanghalian para sa buong team. Matatandaang kaninang umaga ay pinatawag ang mga coach ng Ateneo De Manila University sa CIDG sa Camp Crame para sa gagawing fact-finding investigation pero tanging si Mr. Em Fernandez head ng Athletics Department at mga abogado ang dumating.