Ipinahayag ni Senador Joel Villanueva na handa siyang dumalo sakaling magpatawag si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang Special Session.
Sa isang video message sa pagtitipon ng Jesus is Lord movement kahapon, sinabi ni Villanueva na dapat tiyakin na patuloy na nagtatrabaho ang Senado at hindi naiipit ang trabaho at ang Senate staff sa gitna ng anumang away.
Kaugnay nito, plano ng senador na maghain ng resolusyon para matiyak na sapat ang pondo ng gobyerno para sa relief, rehabilitation, at muling pagbangon ng mga lugar na tinamaan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Isusulong rin aniya ni Senator Joel ang mga pinakakinakailangang panukalang batas, lalo na ang mga nasa 3rd and Final Reading.
Titiyakin rin ng mambabatas na maaksyunan na ang mga nakabinbing nomination sa Commission on Appointments (CA), lalo na ang mga opisyal ng AFP (Armed Forces of the Philippines).
Binigyang-diin ni Villanueva na ang tungkulin nilang mga senador ay ang protektahan ang Senado at unahin ang kapakanan ng mga Pilipino.