Bibiyahe si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kazan, Russia mula Hunyo 17 hanggang 18 upang pangunahan ang pagdaraos ng ASEAN-Russia Commemorative Summit, lalo’t ang Pilipinas ang nagsisilbing ASEAN Chair ngayong taon.
Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Dominic Imperial na makakasama ng Pangulo bilang co-chair si Russian President Vladimir Putin.
Mahalaga aniya para sa Pilipinas ang biyaheng ito, lalo’t ito ang unang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Russia bilang pangulo ng bansa.
Sa naturang summit, inaasahang rerepasuhin ng mga lider ng ASEAN at Russia ang progreso ng ASEAN-Russia Strategic Partnership at tatalakayin ang mga paraan upang higit pang mapalakas ang kooperasyon sa mga larangan ng biosafety at biosecurity, outer space at satellite applications, energy at food security, science and technology, trade and investment, turismo, edukasyon, at people-to-people exchanges.
Tututok din ang kaganapan sa mga usapin ng energy security, food security, trade and investment, people-to-people exchanges, at iba pang larangan ng kooperasyon.
Inaasahan ding pagtibayin ng mga lider ang ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action 2026–2030, na magsisilbing pangunahing roadmap para sa pagpapalawak ng kooperasyon sa political-security, economic, at socio-cultural pillars ng partnership.
Kabilang sa mga inaasahang outcome documents ang Kazan Declaration 2026 at mga joint statement hinggil sa energy at cultural cooperation.