Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na kanilang sasampahan ng kaso ang mga responsable sa panloloko at kontrobersyal na ‘pet crematorium’ sa Cavite.
Ayon sa opisyal na pahayag ni NBI Director Atty. Melvin Matibag, makasisiguro umanong kakasuhan nila ang mga ito nang naaayon sa makakalap na ebidensya.
Ito’y alinsunod nang kanyang ipag-utos sa kawanihan na magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon patungkol sa naturang kaso.
Kanyang pinaiimbestigahan ang mga natanggap na ulat at mga reklamo laban sa isang ‘pet crematorium’ na matatagpuan sa Bacoor City, Cavite.
Ito’y matapos matuklasan at madiskubre ang pagkakaabandona sa 29 na labi ng mga hayop sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Kaya’t tutukuyin ng kawanihan kung maaari bang maharap sa reklamong ‘estafa’ ang mga nasa likod ng maling gawain.
Hinimok naman ng direktor ang ‘pet owners’ na makipagtulungan sa kanila, lumapit at isumite sa NBI Headquarters ang mga resibo, cremation certificate, at iba pa na makatutulong sa pagbuo ng kaso.