Bukas na sa House of Representatives ang Legal Aid Help Desk na layong magbigay ng libreng legal na tulong sa mga ordinaryong Pilipino.
Pinangunahan ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ang inagurasyon ng Legal Aid Help Desk.
Sinabi ni Diokno na mahalagang mapalawak ang access sa legal assistance, lalo na para sa mga mahihirap.
Ang naturang programa ay resulta ng pakikipagtulungan ng House of Representatives Legal Affairs Department at ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Quezon City Chapter sa ilalim ng Unified Legal Aid Service Program ng Korte Suprema.
Ayon kay Diokno, itinuturing niya ang pro bono work bilang kaluluwa ng propesyon ng batas.
Bago pumasok sa pulitika, matagal siyang naglingkod bilang human rights lawyer at nagbigay ng libreng serbisyong legal sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Hinikayat din ni Diokno ang House Legal Aid Help Desk na magdagdag ng component na nakatuon sa pagbibigay ng impormasyon kasabay ng mga legal consultation.
Samantala, nanawagan siya sa mga kapwa mambabatas na pabilisin ang pagpasa ng House Bill No. 7305 na layong bumuo ng Joint Congressional Commission on Justice System Reform (JUSTCOM).