Tiniyak ni Senador Panfilo Lacson na handa ang Majority bloc ng Senado sa anumang maaaring balak gawin ni Senador Alan Peter Cayetano sakaling magpatawag ng Special Session si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na naipakita na ni Cayetano na kaya nitong gawin ang kahit ano para manatili sa pwesto.
Kaya naman may nakahanda na aniya silang contingencies o mga hakbang sa anumang pwedeng gawin nito pero hindi na niya ibinahagi.
Binigyang-diin ni Lacson na kapag natuloy ang Special Session ay dapat umiwas si Cayetano sa paggawa ng gulo sa mga proceedings at sa halip ay makilahok sa talakayan sa plenaryo kasama ang iba pang senador.
Idinagdag rin ng mambabatas na dapat dumalo ang lahat ng mga senador sa Special Session, sakaling ipatawag ito, dahil layunin nitong resolbahin ang mahahalagang panukala at mga usapin sa Commission on Appointments (CA) na naapektuhan ng boycott sa sesyon mula June 1 hanggang June 3.
Umaasa rin si Lacson na tuluyan nang matatapos sa Special Session ang usapin sa liderato ng Senado.