Nananatili pa rin sa full red alert status ang buong SOCCSKSARGEN Region matapos ang malakas na paglindol sa Sarangani noong Hunyo 8, 2026.
Sa eksklusibong panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Office of Civil Defense (OCD) Region 12 Information Officer Beverly Ann Santos, kinumpirma nitong naka-deploy na ang lahat ng puwersa at kagamitan ng pamahalaan upang ihatid ang agarang tulong sa mga biktima.
Ayon kay Santos, nakatutok ngayon ang ahensya sa mga liblib na lugar.
“Sa part po ng Office of the Civil Defense at ng Civil Reduction and Management Council Region 12 ay nakaparin kami sa full red alert status,” pahayag ng opisyal.
Ibig sabihin nito, sagad na ang tulong na ipinamamahagi ng gobyerno, partikular sa mga barangay na nanganganib sa banta ng sunod-sunod na landslide.
Sa kasalukuyan, may limang apektadong barangay na ang matagumpay na narating ng OCD, kung saan katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paghahatid ng mga relief supply.
Samantala, batay sa opisyal na assessment at initial report ng OCD Region 12, umabot na sa pitong indibidwal ang nasawi, habang mahigit 1,800 naman ang naitalang sugatan.
Patuloy pa ring pinaghahanap ang 17 katao na idineklarang nawawala, habang libu-libong pamilya ang nananatili ngayon sa mga evacuation center.
Malaki rin ang iniwang pinsala ng kalamidad sa mga pampublikong estruktura at ari-arian.
Ayon sa OCD, sa unang araw pa lamang ng inspeksyon ay nakita na ang tindi ng pagkawasak ng mga gusali at daan.
Sa huling tala ng pamahalaan, umakyat na sa tinatayang ₱979.5 milyong piso ang kabuuang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa buong rehiyon.